Inihayag ng Miss Universe Philippines Organization (MUPH) na isang kandidata ang tinanggal sa kompetisyon ngayong 2026 matapos na suriin ang mga nakarating sa kanilang mga “concern” tungkol sa pagsali nito.
Sa isang pahayag na inilabas ng organisasyon noong Sabado, sinabi ng MUPH na patuloy nitong pinahahalagahan ang pagiging natatangi ng bawat delegado habang pinananatili ang “standards of respect, professionalism, and a positive environment” sa lahat ng kalahok at partners.
“Following concerns that were brought to our attention, the organization undertook a careful and thorough review of the matter. The delegate was given both verbal and written guidance to help address the situation. Despite these efforts, certain behaviors continued in ways that were not aligned with the standards we aim to uphold,” saad sa pahayag ng organisasyon.
“As such, it has been decided that the delegate will no longer be allowed to continue in the competition,” dagdag nito.
Hindi tinukoy ng organisasyon ang pagkakakilanlan ng nasabing kandidata, at maging ang partikular na dahilan sa pagkakatanggal niya sa kompetisyon.
Muling iginiit ng MUPH ang kanilang pangako na magtaguyod ng isang "respectful and empowering environment" para sa lahat ng delegado habang nagpapatuloy ang pageant.
“We remain dedicated to ensuring that the experience is constructive and meaningful for everyone involved,” ayon sa organisasyon. “We thank the public for their understanding and continued support.”
Noong nakaraang buwan, ipinakilala ng organisasyon ang 51 kandidata para sa nalalapit na kompetisyon. Gaganapin ang coronation night ng 2026 sa Mayo 1 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang mananalo ay kokoronahan ni Miss Universe Philippines 2025 at Sparkle artist na si Ahtisa Manalo.
Ang magiging bagong reyna ang kakatawan sa Pilipinas sa Miss Universe 2026, na gaganapin sa Nobyembre sa Coliseo de Puerto Rico José Miguel Agrelot sa San Juan, Puerto Rico.
—Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News

