Dalawang biik na magkaharap na magkadikit ang mga katawan ang isinilang sa Barangay Baluan sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing isinilang ang conjoined piglets noong Miyerkoles.
Sa kasamaang-palad, namatay din ang mga biik pagkaraan ng dalawang araw.
Ayon kay Jhon Riveral Arreglo, may-ari ng mga biik, normal ang mga biik na unang iniluwal ng kanilang inahin. Ngunit laking gulat na lang nila nang mapansin nila ang paglabas ng biik na dalawa ang ulo.
Sabi pa ni Arreglo, hinila niya ang biik palabas mula sa inahin at napaupo siya sa gulat nang makita na kambal ang mga biik at magkadikit.
Hindi rin umano kumpleto ang ilang bahagi ng katawan ng mga biik sa hulihang bahagi, at hindi matukoy ang kanilang kasarian.
Napansin din umano nila na mahina ang kambal na biik at hindi na sila makasuso sa inahin.
Sinikap pa umano ni Arreglo na padedehin ang kambal sa bote pero hindi rin nabuhay ang mga biik.
Ayon sa City Veterinary Office, ito ang unang naitalang kaso ng magkadikit na biik sa lungsod.
Sinabi ni Dr. Bernado Bulawan, chief ng meat division ng City Veterinary Office, tinatawag na cephalothoracopagus ang kondisyon ng kambal na biik. Isa itong abnormalidad sa pagbuo ng fetus kung saan nagdidikit ang mga katawan, at kung minsan pati ang ulo.
Gayunpaman, bihira umanong mabuhay ang ganitong mga biik.
“Abnormality ‘yan sa development sa fetus sa pig. Or we called it cephalothoracopagus. Parang nagkadikit ang body hanggang sa mukha. Hindi mag-last ‘yan ganyan,” ani Bulawan. – FRJ GMA Integrated News
