Lalo pang humina ang piso laban sa US dollar nitong Biyernes, at nagsara sa panibagong all-time low, sa ikalawang pagkakataon ngayong linggo. Sa harap naman ito ng patuloy na pagtaas sa demand sa dolyar dahil sa sigalot sa Middle East.

Sa kalakalan ngayong Biyernes  sa merkado, humina ang halaga ng piso ng 15.2 sentimo at nagsara sa P60.55:$1 mula sa P60.23:$1 noong Huwebes. Ito na ang pinakamahinang antas ng piso sa kasaysayan, na lumampas sa naunang rekord na P60.3:$1 na naitala noong Lunes, Marso 23, 2026.

“The peso weakened to 60.55 as markets begin to price in oil-related risks, reinforcing near-term dollar demand,” ayon kay Jonathan Ravelas, senior adviser ng Reyes Tacandong & Co. sa ipinadalang mobile message.

“Trading remains constraint-driven, with flows reflecting caution rather than panic,” dagdag niya.

Nagaganap ito habang patuloy na tumataas ang demand sa dolyar na ginagamit sa pagbili ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

“The US dollar/peso exchange rate was again higher for the third straight day amid some market doubts on ceasefire on the war on Iran amid diverging/conflicting conditions/demands set by the US and Iran,” saad ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort sa hiwalay na mensahe.

Inihayag ni US President Donald Trump na pansamantalang ititigil ng Amerika ang pag-atake sa mga energy facility ng Iran sa loob ng 10 araw, batay umano sa kahilingan ng Tehran.

Idinagdag niya na maayos na umuusad umano ang negosasyon. Gayunman, tinawag ng isang opisyal ng Iran na “one-sided and unfair” ang inilalatag na peace plan ng US upang wakasan ang kaguluhan sa Middle East, ayon sa ulat ng Reuters.

Inilahad naman ni Angelo Taningco, chief economist ng Security Bank, ang ilang dahilan sa paghina ng piso, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis na inaasahang nagpapataas din sa inflation, o bilis ng paggalaw sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Patuloy pa niya, “And policy rate being held unchanged at BSP’s off-cycle meeting, signalling a dovish stance in terms of being vigilant against inflation risks and recognizing growth headwinds from the Middle East conflict.”

Nitong Huwebes, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na inaasahan na nitong aabot sa average na 5.1% ang inflation ngayong taon, na mas mataas sa target na 2.0% hanggang 4.0% dahil sa mga kawalang-katiyakan sa mga nagaganap sa mundo gaya ng epekto ng labanan sa Middle East.— Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA Integrated News