Isang solo parent mula sa Noveleta, Cavite ang kumubra ng P10 milyon jackpot prize sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), matapos niyang tamaan ang lumabas na kombinasyon ng mga numero sa Lotto 6/42 draw noong Marso 21, 2026.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO, sinabing ikinuwento ng lucky winner na ang tinayaang mga numero na 18-12-37-02-30-24, ay hango sa mga espesyal na okasyon at kaarawan ng kaniyang mga kapamilya.
Nagkakahalaga umano ng P100 ang tinayaan niyang kombinasyon na sinimulan niyang dagdagan mula noong nakaraang Oktubre sa pag-asang tataas ang tiyansa niyang manalo.
Tila nagbunga naman ang kaniyang desisyon matapos siyang manalo na pagpapabago sa takbo ng kaniyang buhay, ayon sa pahayag.
Sa ngayon, plano pa lang umano ng lucky winner na gamitin ang kaniyang napanalunan para sa pag-aaral sa kolehiyo ng kaniyang anak, bayaran ang kaniyang mga utang, gamiting ipuhunan, at magtabi para sa kanilang kinabukasan.
Samantala, walang nanalo sa dalawang major lotto draws ngayong Biyernes ng gabi, March, 27, 2026.
Sa Ultra Lotto 6/58, ang lumabas na mga numero ay 12-57-16-01-42-51, at may premyong P75,000,000.
Habang sa isa pang draw na Megalotto 6/45, ang lumabas na kombinasyon ng mga numero ay 19-38-36-31-27-02, at P15,000,000 naman ang jackpot prize. – FRJ GMA Integrated News

