Natagpuang patay nitong Biyernes ng madaling araw ang isang 13-anyos na binatilyo sa Taguig City matapos magtamo ng 12 saksak sa katawan.

Ang biktima ay nakilalang si Kenneth "Kenken" Hortezano, ayon sa ulat ni Rida Reyes sa Balitanghali nitong Linggo.

Nagpaalam ang biktima sa kanyang mga magulang na sasama siya sa kaibigan para pumunta sa burol ng isang kakilala, kuwento ng kanyang ama.

Kalaunan ay sinabi ng kaibigan ni Kenken na ang malayong pinsan na si Ricardo "Jongjong" Saplan ang huling kasama nito bago ito natagpuang walang buhay.

Hinala niya ay nagkaasaran ang dalawa matapos magpaalam ang biktima na babalik sa burol dahil nakalimutan niya ang kanyang helmet.

Kilala raw ang suspek na gumagamit ng ilegal na droga at mainitin ang ulo.

Hawak na ng mga awtoridad ang suspek na itinanggi ang mga akusasyon.

Ayon naman sa ama ng biktima, humingi na ng tawad ang suspek nang puntahan niya ito sa city jail.

Magsasampa ng kaukulang reklamo ang mga magulang ng biktima at umaasa silang habambuhay na makukulong ang suspek. —KG, GMA News