Nabitin sa paglalaro ng basketball ang ilang kabataan sa Makati City noong Martes ng gabi matapos nilang makita ang paparating na mga pulis. Ang dahilan ng takot ng mga menor de edad — curfew.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, kumaripas nang takbo ang mga bata palayo sa basketball court bago pa man makalapit sa kanila ang mga pulis.
Ang isa sa mga kabataan na nakita sa video na 13-anyos, sinabing mga ka-edad niya ang mga kasama niyang naglalaro sa basketball court.
Aminado siyang natakot silang mahuli kaya silang nagtakbuhan at hindi na raw uulit na magpapaabot ng curfew hours sa labas ng bahay.
Ayon naman kay Bernadette Sese na Chairman ng Brgy. Guadalupe Viejo, Makati City, sinaway nila at pinatayan ng ilaw sa court ang mga kabataan pero sadyang matigas ang mga ulo at bumabalik.
Kahit wala namang masamang ginagawa ang mga kabataan, hindi pa rin daw niya papayagan ang paglalaro ng basketball sa oras ng curfew.
Napag-alaman naman ng GMA News na sadyang makababalik sa basketball court ang mga kabataan anumang oras dahil sira ang gate nito.--Llanesca T. Panti , FRJ, GMA News
