Arestado ang tatlong drug suspect kabilang ang mga magulang ng isang actor sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes ni James Agustin, P500 halaga ng shabu ang nabili ng operatiba sa target ng buy-bust operation na si Engelbert Peralta sa Barangay Bagbag sa Novaliches.

Kasamang naaresto ang kanyang asawa na si Jean na pinag-abutan umano ng buy-bust money, pati rin ang isa pa nilang kasama na si Ronnie Telan alyas Tangkad.

Mga magulang ng dating GMA talent na si Hiro Peralta sina Engelbert at Jean.

Nakumpiska sa mga suspek ang 19 sachet ng umano'y shabu na may street value na P34,000.

“Itong si alyas Tangkad ay nasa watch list natin sa Barangay Bagbag,” sabi ng station commander ng Novaliches Police na si Superintendent Rossel Cejas.

“At nu'ng ma-consummate 'yung buy-bust, na-identify ng ating SDEU (Station Drug Enforcement Unit) na ito palang kasama sa transaksiyon ay si Mr. Peralta,” dagdag niya.

Naaresto na noong 2015 si Engelbert dahil din sa droga. Sumuko rin siya sa Oplan Tokhang at nasa drug watch list ng barangay.

Hindi nagbigay ng pahayag si Engelbert, pero ang kanyang asawa at kasama, itinangging nagbebenta sila ng droga.

“Wala, nag-bingo lang talaga. Masama ba mag-bingo? Kapag ikaw ba puro ka problema, nag-iisip ka siyempre gusto mo lang mag-ano, magsaya kahit paano sa halagang dalawangdaan [piso],” sabi ni Jean.

“Gusto ko lang mag-bingo, tapos paglabas mo ng binguhan ganu'n na nangyari,” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Jean na hindi siya gumagamit ng droga at paminsan-minsan lang daw ang paggamit ng kanyang asawa.

“Hindi po ako gumagamit. 'Yung asawa ko paminsan-minsan lang 'yan. Mahilig lang po mag-bingo,” sabi ni Jean.

Depensa naman ni Telan, hindi raw siya nagbebenta ng droga at nagpaparenta lamang daw siya ng sasakyan.

Bukod sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, mahaharap din sila sa reklamong disobedience at resisting arrest. —Joviland Rita/KG, GMA News