Nasawi ang isang 54-anyos na lalaki matapos siyang matabunan ng gumuhong lupa sa hinuhukay na balon sa Barangay Baduang sa Pagudpod, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, may lalim na 10 metro ang balon, na ayon sa kaanak ng biktima ay pagkukunan sana ng tubig para sa palaisdaan.
Umabot ng anim na oras bago nakuha sa biktima mula sa balon. Nakaligtas naman ang kasama niyang 47-anyos.
Ayon sa pulisya, lumambot ang lupa dahil sa ilang araw na pag-ulan.
Wala rin umanong safety gadgets na nakita ang mga pulis sa ginawang paghuhukay.
Dahil sa nangyaring insidente, muli na lamang tinabunan ang balon. – FRJ GMA News
