Makikita ang tiyaga at sipag ng mga magsasaka sa Dalaguete, Cebu na pinapasan ang daan-daang kilo ng mga gulay mula sa kanilang taniman sa kabundukan pababa, at isasakay pa sa motorsiklo para maibenta. Ngunit kapag bagsak ang presyo ng gulay, maaaring umabot lang sa P200 o P300 ang kita nila kada araw.

Sa nakaraang episode ng Good News, mapanonood ang viral video ng magsasakang si Juan Manriquez Jr., na halos araw-araw nagbubuhat ng nasa 150 hanggang 170 kilo ng mga gulay, at magpapabalik-balik nang apat na beses sa bundok.

Umaga pa lamang, naghahanda na si Juan ng kaniyang mga kagamitang dadalhin paakyat ng bundok. Sakay ng motor, didiretso siya sa kanilang taniman o “umahan” sa Bisaya.

Nagkakaisa ang komunidad sa paghahakot ng mga gulay na puwede nang anihin, lalo na sa pag-alalay sa sino mang magbubuhat sa mga produkto.

Ibabalanse nina Juan ang mga basket ng gulay sa kanilang mga likod at ulo sa pamamagitan ng tali. At dahil sa kabundukan pa nagmula ang mga inani, mas pinipili ng mga gaya ni Juan na magbuhat nang siksik, liglig at umaapaw na mga gulay pababa sa kapatagan.

Inaabot ng mahigit isang oras ang biyahe patungo sa palengke.

Sa 30 taon na pagsasaka ni Juan, nasanay na siya sa pagbabalanse ng gulay na kaniyang binubuhat. Namana na nila ang pagbubuhat mula pa noong pagkabata mula sa kanilang mga magulang.

“‘Yung mga tinataniman namin ngayon, dati-dati pa ‘yan sa amin, pang mga ninuno pa namin, simula noong sa lola. Hanggang ngayon, kami pa rin ang nagtatanim ng mga gulay dito sa aming bundok,” sabi ni Juan.

“Mahirap ‘yung pag-harvest, saka pagdadala ng mga produkto namin papuntang palengke kasi maglalakad pa kami nang malayo. Tapos ‘yung mga karga namin, mabibigat lalo na pagpabalik-balik ‘yung marami kang hakutin,” dagdag niya.

Panglima si Juan sa magkakapatid at panganay sa mga lalaki. Dahil dito, maaga siyang namulat sa pagsasaka ng kanilang mga magulang.

Dahil pa rito, tumigil siya sa pag-aaral noong grade 4 pa lamang.

“Seventeen (17) kaming magkakapatid. Simula ako magtrabaho sa bukid ng ate ko, siguro nasa 7 or 6. Kasi dito sa amin, ‘yung mga magulang mo, bata ka pa lang, tinuturuan ka na talaga magtrabaho sa pagtatanim ng mga gulay.”

Hindi pa rin maiiwasan ang disgrasya sa linya ng kaniyang trabaho.

“‘Yung pagkakarga namin sa motor, hindi namin maiwasan 'yung gulong, sumasabog, tapos napa-flat, may karga ka na mabigat. ‘Yun ang mahirap kasi maari po kayong babalian,” sabi niya.

Mas mahirap ang pagbubuhat nila ng mga gulay tuwing tag-ulan.

“Hindi namin maiwasan 'yung madulas kami, madaganan kami sa aming binubuhat, kasi 'yung mga daanan namin madulas,” kuwento pa ni Juan.

Ikinalungkot pa niyang halos wala pa silang kinikita dahil sa baba ng presyo ng gulay. Kung bagsak-presyo ang gulay, kumikita lamang sila ng P200 o P300 kada araw.

Kaya tila gumuho ang mundo ng kaniyang pamilya matapos mahigit dalawang taon silang mahinto sa pagsasaka sa lupang kanilang minana.

“Nawalan kami ng puhunan, gawa ng sobrang mura. Namasukan muna kami sa ibang tao para makabalik kami ng paunti-unti na pagtatanim. Kung mayroon na nag-harvest dito, puwede kang tumulong, tapos babayaran ka P150 sa isang araw, 7 hours na po 'yung pagtatrabaho niyan, makabili ka na ng mga pangabuno, pang-spray,” kuwento niya.

Sa kabila ng mga pinagdadaaanan, batak naman ang pagsasama nilang pamilya. Dahil dito, mula nilang naibangon ang kanilang lupa.

Alay ni Juan sa pamilya ang kaniyang hirap sa pagsasaka.

Upang magkaroon ng pandagdag kita, naisipan din ni Juan na gawan ng content online ang buhay nila bilang magsasaka. – FRJ GMA News