Na-comatose ang isang grade 11 student sa Mangaldan, Pangasinan matapos umanong gawin siyang punching bag ng tatlong nakatatandang kaeskwela.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Saksi nitong Miyerkules, palabas na umano ng canteen ang biktimang si Kenneth Langit noong Martes nang lapitan at suntukin siya ng Grade 12 student na si George Maramba.

Nakaganti pa si Langit, 19, pero bumak-ap raw kay Maramba ang mga kaklase nitong sina Jason Soriano at Jay-ar Biagtan.

Kaya naging isa laban sa tatlong Grade 12 students, lahat bente-anyos a pataas ang edad.

Matapos pagtulungan, natumba umano si Kenneth at sa tindi ng inabot ay naihi pa bago mawalan ng malay.

Sa tindi ng panggugulpi, nagkaroon ng pagdurugo sa utak si Kenneth, ayon sa kaniyang tiyuhin.

sa tindi ng pambubugbog, na-comatose ang biktima.

Ayon sa kaanak ng biktima, tila may crush kay Langit ang nobya ng isa sa mga suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon na dati nang kaalitan ni Langit si Maramba.

Sumuko na sa pulisya sina Maramba at Soriano pero tumangging magbigay ng pahayag.

Nadakip si Biagtan sa isang manhunt operation kahit na iginigiit niyang wala siyang kasalanan.

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang tatlong suspek. — Dona Magsino/BAP, GMA News