Patay ang isang lalaking suspek sa panghahalay sa isang walong-buwang-gulang na babae matapos umanong mang-agaw ng baril sa isang pulis sa loob ng presinto sa Malate, Manila.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang napatay na suspek na si Benedicto Dizon.

Batay sa imbestigasyon, dakong 9:30 p.m. habang nasa loob ng presinto ay dumaing si Dizon na masakit ang ulo niya at hirap sa paghinga dulot umano ng tinamong gulpi sa mga kaanak ng sanggol na sinasabing hinalay niya.

Dinala umano si Dizon ng naka-duty na pulis na si Police Officer 1 Dennis Javier sa opisina ng station commander na si Police Superintendent Bobby Glenn Ganipac, para ipaalam ang iniindang sakit ng suspek.

Sa loob ng opisina, inalok umano ni Javier ng kape ang suspek at inalis ang posas para maayos na makainom ng kape.

Pero nang ibabalik na raw ang posas, doon na inagaw ni Dizon ang baril ni Javier at ipinutok.

Sa kabutihang palad, hindi tinamaan si Javier at doon na umano bumunot ng baril si Ganipac at binaril si Dizon.

Kaagad din umanong isinugod sa ospital si Dizon pero idineklarang dead on arrival.

Patuloy na sinisiyasat ng Homicide Section ng Manila Police District ang insidente.

Sa hiwalay na ulat sa GMA News "24 Oras," sinabing nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dalawa sa dibdib si Dizon.

Ang kinakasama ni Dizon at maging ang nagpalaki sa suspek, hindi naniniwala sa ibinibintang sa kaniya na panghahalay.

Dahil hindi tunay na kaanak ang nagpalaki kay Dizon at hindi nila alam kung nasaa ang tunay nitong mga magulang, nahihirapan sila makuha ang mga labi nito sa ospital.--FRJ, GMA News