Selos ang isang anggulong tinitingnan ng mga awtoridad na motibo ng suspek sa pagpatay sa 14-anyos na babae na natagpuan ang bangkay sa septic tank sa loob ng isang paaralan sa Danao City, Cebu.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team," inihayag umano ng pulisya na maaari umanong may matinding gusto ang suspek na si Jessie Mediquillo sa biktimang si Tessa Marie Ygay, na inihatid na sa huling hantungan nitong Lunes.
Maaaring nagselos umano si Mediquillo nang malaman na may mas batang nanliligaw sa biktima.
Giit naman ng suspek, wala silang relasyon ng biktima bagaman nagbibigay umano siya ng suporta sa pamilya ng dalagita.
Kinumpirma naman ng kapatid ni Ygay ang naturang pahayag ng suspek.
Ayon kay Mediquillo, matindi ang inis niya sa biktima nang araw na magawa niya ang krimen pero hindi sinabi kung bakit.
Guwardiya si Mediquillo sa paaralan kung saan nag-aaral ang biktima. -- FRJ, GMA News
