Mistulang nag-patintero ang mga pulis at mga batang pilit pa ring naligo sa Manila Bay kahit na ipinagbabawal ito.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa “24 Oras” nitong Martes, madaling araw pa lamang ay nagbabantay na ang mga pulis sa Manila Bay ngunit hindi nila kinaya ang dagsa ng mga bata na gustong lumangoy.

"Bawal maligo madumi ang dagat hindi maganda sa balat n'yo 'yan bawal pa bawal," ito ang maririnig na paulit-ulit na paalala ng mga pulis.

“Para kaming nakikipagpatintero. Pag nandito po kami, pupunta doon mga bata. Kaya napakahirap po,” ani Senior Police Inspector Randy Veran.

Sa kabila nito, paulit-ulit pa ring binawalan ng mga pulis ang mga bata sa pagligo sa Manila Bay gamit ang megaphone, pero hindi parin natinag ang mga bata.

“Masarap lumangoy,” sabi ng isang batang lalaki.

Inilagay ang malaking streamer na nagbabawal sa paliligo sa Manila Bay bandang hapon sa pagbabakasakaling makikinig na sa paalalang ito ang mga bata sa susunod na mga raw.

Hindi naman lahat ng tao sa Manila Bay ay naroon para maligo.

Nagpunta sa Manila Bay ang mga empleyadong sina Regie Misuela at Nelson Delgado para maglinis.

"Gusto ko lang po maglinis talaga,” ani Misuela.

"Ginagawa ko po ito alas-sais hanggang alas-siete ng gabi. Wala akong grupo. Ako lang mag-isa,” dagdag ni Delgado.

Sinimulan ang rehabilitasyon ng Manila Bay noong nakaraang linggo. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News