Inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno na maglulunsad ng programa ang lungsod na uupahan o babayaran ng lokal na pamahalaan ang ilang operator at driver ng mga pampasaherong jeepney. Bunga nito, matutulungan umano ang kabuhayan ng mga tsuper at operator na apektado ng mahal na presyo ng mga produktong petrolyo, at maililibre sa pamasahe ang mga pasahero.
Inanunsyo ni Moreno ang programa sa kaniyang “Talk to the People” nitong Biyernes, matapos kausapin ang mga opisyal ng 22 Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA). Layunin umano ng Executive Order No. 14, na tulungan ang mga operator at tsuper na nabawasan ang kita sa nangyayaring pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kasabay nito, tutulungan din ang mga pasahero na makatipid sa kanilang gastusin sa pamasahe sa pamamagitan ng libreng sakay na isasagawa ng tsuper na makakasama sa programa, na nabuo umano sa loob lang ng dalawang araw.
Inaasahan ni Moreno na mahigit 1,400 jeepney ang makikibahagi sa programa na pumapasada sa Maynila, at mga kalapit na lugar. Makatatanggap umano ang mga tsuper ng ₱3,000 per day depende sa unit ng kanilang sasakyan.
Tinatayang 100,000 pasahero naman ang inaasahan makikinabang sa programa sa bawat araw.
“Hihiramin ko ’yung mga jeep at driver. Garantisadong bayad araw-araw. May kita ang operator, may kita ang driver. Tiyak na kita, kasiguruhan. May kita ang gasolinahan at mga nagnenegosyo sa Maynila, at higit sa lahat, walang kailangang bayaran ang ating mga mananakay kapag ang jeep na sasakyan nila ay kasapi ng programa ng Lungsod ng Maynila,” ayon sa alkalde.
Aarangkada ang programa sa loob ng limang araw na hinati sa loob ng dalawang linggo — Lunes at Martes sa unang linggo, at Lunes hanggang Miyerkules sa susunod na linggo. Posible pa umano itong mapalawig depende kung mayroong mapagkukunan ng pondo. – FRJ GMA Integrated News

