Talaga namang “the best” ang isang mag-aaral sa General Trias, Cavite nang tawagin na ang kaniyang pangalan sa entablado upang tanggapin ang 33 medalya sa Recognition Day ng kanilang paaralan.
Ibinahagi ni YouScooper Jane Signo ang larawan at video sa ginanap na recognition day sa General Trias Convention Center noong Marso 23, 2026, kung saan humakot ng medalya ang kaniyang anak na Grade 2 pupil na si Daniel Elijah.
Madidinig sa video ang matinding hiyawan at palakpakan ng mga taong dumalo sa pagtitipon nang isa-isahin na ang mga parangal na tinanggap ni Daniel Elijah.
Ayon kay Jane, walang mapaglagyan ang kaniyang saya at labis pagpapasalamat niya sa Panginoon para sa mga natanggap ng anak.
"Sobrang saya po and thankful, lalo na kay Lord. Pag-akyat ng stage, mahiyain kaming pamilya, pero lahat po mga kids, teachers, kapuwa parents, nagtilian at sigawan. Ramdam po namin ang suporta," sabi ni Jane.
But wait, there’s more… may paparating pa umanong mga international medals na tatanggapin din ni Daniel Elijah.
Ang mensahe ng proud parent para sa kaniyang anak: "Daniel anak, mahal na mahal ka namin ni Daddy mo, palagi kaming nakasuporta sa'yo, anong makahiligan mong gawin na alam namin para sa ikabubuti mo. Always stay humble and continue praying kay God para magpasalamat sa lahat ng biyaya sa'yo."
Congratulation sa iyo Daniel Elijah!
--FRJ GMA Integrated News

