Nagdelara ang Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon ng state of calamity sa lalawigan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nakaapekto sa ekonomiya nito.
Nagkakaisang inaprubahan ng mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ang deklarasyon ng State of Calamity dahil sa krisis pang-ekonomiya na dulot ng patuloy at matinding pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na nakaapekto na rin sa kabuhayan ng kanilang mga kababayan.
Ayon sa Resolution No. 215-2016, pinahihintulutan ang pamahalaang panglalawigan ng Sorsogon na gamitin ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, kabilang ang Quick Response Fund, upang magbigay ng tulong sa mga tao.
Samantala, inatasan ang lahat ng lokal na pamahalaan sa lalawigan na magsagawa ng angkop na mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyong pampubliko.
Nitong nakaraang Martes, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national energy emergency at iniutos ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para sa mga apektadong sektor.
Layunin ng direktiba na paganahin ang mga sangay ng pamahalaan upang matiyak ang katatagan ng suplay ng enerhiya, suportahan ang mga pangunahing sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at MSMEs, at protektahan ang mga Pilipino sa gitna ng epekto sa pandaigdigang suplay ng langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Nilagdaan ni Marcos ang executive order habang inaasahang lalampas sa P130 kada litro ang presyo ng diesel at posibleng sumampa sa higit P100 ang gasolina ngayong linggo, kasabay ng ikatlong linggo ng malalaking pagtaas sa presyo ng langis na dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. — Mariel Celine Serquiña GMA Integrated News

