Ipinasuri sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ilang uri ng isda na nabili sa pamilihan na katulad ng kumalat sa social media na sinasabing may balot umano ng plastic. Inilagay sa microwave ang sinuring isda para alamin kung mangangamoy ito na sunog na plastic.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa "24 Oras" nitong Lunes, sinabing bumili ng isdang sapsap at galunggong ang GMA News na katulad ng uri ng mga isda sa kumalat na social media post na nabalutan umano ng plastic.
Dinala ang mga naturang isda sa BFAR para maipasuri sa tulong ng National Fisheries Laboratory Division.
"Yung natanggal na skin is hindi plastic, part po ng fish mismo. Keratinous layer kaya po mukhang plastic," sabi ni Cyndy Dela Cruz, veterinarian.
Inilagay pa sa microwave ang sinuring isda para alamin kung mangangamoy plastic pero negatibo rin.
"Dapat 'yan kung ininit mo 'yan meron siyang amoy ng plastic," sabi ni BFAR Director Eduardo Gongona.
"'Yang low value fish na 'yan 'pag binalutan ng plastic parang nagdagdag ng cost of production sa kania. Kung ako naman, very impractical na napakaliit na isda tapos babalutan mo isa-isa ng plastic," dagdag niya.
Hinala ni Gongona, posibleng ang open importation ng isda sa Pilipinas ang pinagmumulan ng isyu na maaaring may kinalaman sa lamangan o price war.
"Baka i-take advantage ng iba na magkaroon ng ibang isyu and one of these is sasabihin may plastic ang iniimport," paliwanag niya.
Bagaman tuloy ang kanilang imbestigasyon sa isyu, sinabi ni Gongona na walang dapat ikabahala ang publiko sa mga nabibiling isda.
Kung mayroon man umanong pagdududa sa mabibiling isda, dapat daw ipagbigay-alam kaagad ito sa kaniyang tanggapan.-- FRJ, GMA News
