Isinagawa na nitong Miyerkules sa Valenzuela City ang groundbreaking para sa itatayong Metro Manila Subway system na ang unang bahagi ng proyekto ay inaasahang magagamit sa 2022.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing may habang 36-kilometer ang rail system na may 15 stations sa ilalim ng Quezon City, Mandaluyong, Pasig, Makati, Taguig, Pateros at Pasay.
Ikokonekta umano ito sa iba pang rail systems tulad ng MRT-3, LRT-1, LRT-2, ang itinatayong MRT-7 at ang itatayo pang Makati subway.
Tinatayang may bilis na 80 kilometers per hour ang bilis ng tren kaya ang dating ilang oras na papuntang Ninoy Aquino International Airport mula sa Quezon City ay kaya raw maigsiin lang sa kalahating oras kapag fully operational na ang subway sa 2025.
Sa ngayon, sisimulan nang gawin ang unang tatlong stations na Quirino-Mindanao Avenue, Tandang Sora at North Avenue, at ang magiging depot at Philippine Railway Institute sa Valenzuela.
Inaaasahang na matatapos ang tatlong unang station sa 2022, kung saan tinataya ng Department of Transportation kayang pagsilbihan ang nasa 370,000 pasahero bawat araw. Pero kapag nagawa na ang buong subway system at fully operation na ito, 1.5 milyong pasahero umano ang kaya nitong pagsilbihan.
Nagkakahalaga ang proyekto ng P357 bilyon na popondohan ng development assistance loan mula sa Japan International Cooperation Agency o JICA.
Ibabase umano ang disenyo ng subway sa Tokyo subway system na magkakaroon ng Japanese technology, pati na flood prevention at earthquake protection systems.
May probisyon din umano para sa extension ang Metro Manila subway para sa north phase na patungong Bulacan at south phase sa Cavite.
Sa susunod na taon ay inaasahan naman na sisimulan ang paggawa sa phase 2 ng subway.-- FRJ, GMA News
