Arestado ang isang lalaki matapos niya umanong pagsamantalahan ang isang 14-anyos na dalagita sa Barangay Old Balara, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Jag Loyd Sasutil, 21-anyos at isang construction worker.
Kuwento ng ina ng biktima, inutusan lamang niya ang anak na hanapin ang apat pa nitong kapatid dahil kakain na sila ng hapunan. Ilang oras na raw ang nakakalipas ay hindi pa nakakabalik ang dalagita sa kanilang tahanan.
"May pumunta po sa amin na inaanak po ng tatay ko na nagmalasakit sa akin na, 'Ate 'yung anak mo nakita ko doon sa tabing-ilog, niyaya ng lalaki,'" sabi ng nanay ng biktima.
Hindi na nila naabutan ang suspek at ang kaniyang anak sa may tabing-ilog. Natagpuan na lamang nila ang mga ito sa may sagingan na parehong nakahubad.
Sabi ng nanay ng dalagita, labis daw ang takot ng kaniyang anak sa sinapit.
"Tinakot daw po siya na 'Dito ka lang, saglit lang itong gagawin natin. Sasaktan kita.' Eh siyempre 'yung anak ko na 'yun takot 'yun kapag sinabi mo eh," anang ina ng biktima.
Binugbog naman ng taong-bayan si Sasutil na umamin sa krimeng nagawa.
"Inisip ko talaga 'yun na gagalawin ko talaga siya. First time ko ngang ginawa 'to," sabi ni Sasutil.
Pero giit niya, hindi niya pinilit ang dalagita dahil nililigawan pa nga raw niya ito.
Desidido naman ang nanay ng biktima na magsampa ng kasong rape laban kay Sasutil na nasa kustodiya na ngayon ng Quezon City Police District Station 6.
"Kung puwede lang patayin siya. Ipaglalaban ko 'yung anak ko kahit sa kamatayan," anang nanay ng biktima. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News
