Dalawang lalaki na nangholdap umano sa tricycle driver ang nasawi matapos daw na makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa Quezon City. Sa Laguna naman, patay din ang dalawang holdaper na nambiktima naman ng isang babae.



Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang engkuwentro sa isang bakanteng lote sa Barangay Bagbag sa Novaliches.

Ayon sa biktimang tricycle driver, pinara ng dalawang suspek ang ipinapasada niyang tricycle at saka siya tinutukan ng baril sa tagiliran at nagdeklara ng holdap.

"Kinabahan na ako dahil wala na akong choice kundi ibigay na lang sa kaniya 'yung motor, itinabi ko na lang. Tapos pagbaba niya, tinutukan niya ulit ako dito (ulo). 'Sige na, tumalikod ka na. 'Wag ka nang pumalag, 'wag ka nang lumingon,'" anang biktima.

Nang umalis ang mga holdaper sakay ng kaniyang tricycle, agad na tumakbo sa police station ang biktima para magsumbong.

"While nagre-report 'yung tricycle driver sa ating police station, meron namang concerned citizen dito na nag-report din na meron ngang dalawang kahina-hinalang lalaki na naka-standby dito na may dalang tricyle," sabi ni Police Lieutenant Colonel Rossel Cejas, Novaliches Police Station.

Naabutan umano ng mga pulis ang mga suspek na kinakalas na ang sasakyan. Pero sa halip na sumuko, nagpaputok umano ang suspek.

"Instead na sumuko ay pinutukan 'yung mga pulis natin. So we have no other recourse but pumutok din para depensahan ang sarili ng mga pulis natin," ayon pa kay Cejas.

Dead on the spot ang dalawang salarin, at nakuha sa kanila ang dalawang .38 baril.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Samantala sa San Perdo, Laguna, patay din ang dalawang holdaper umano sa Barangay Landayan na nakipagbarilan din sa mga pulis.

Ayon sa mga awtoridad, isang babae ang nag-ulat sa pulisya na naholdap siya kaya nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad.

Nang matunton ng mga pulis ang tricycle na gamit ng mga holdaper, hinabol nila ito hanggang sa bumangga sa pader.

Sa halip na sumuko ang mga suspek, nagpaputok daw ang mga ito sa mga pulis kaya nangyari na ang engkuwentro at napatay ang dalawa.

Nakuha sa mga suspek ang .38 baril at isang granada, pati na ang gamit at pera ng babae na kanilang biniktima. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News