Maaari pa ring ma-access ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East ang kanilang mga benepisyo sa Social Security System (SSS) sa kabila ng nagpapatuloy na kaguluhan sa rehiyon.

Inihayag ng SSS na nananatiling aktibo ang kanilang online na My.SSS Portal para sa mga OFW upang makapagsumite sila ng mga claim at aplikasyon sa loan, kahit nagpapatuloy ang sigalot sa Middle East.

"Even in these challenging times, our digital infrastructure ensures seamless service delivery… Members in the Middle East need not worry; they can manage their accounts safely from anywhere with internet access,” saad sa isang pahayag ni SSS president Robert Joseph de Claro nitong Huwebes.

"We remain committed to supporting our OFWs through innovation and resilience, no matter the circumstances,” dagdag ng opisyal.

Sinabi rin ng opisyal na patuloy na pinapahusay ng SSS ang kanilang mga sistema para mas mapadali ang pag-access ng mga OFW sa mga benepisyo.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang online face verification system ng SSS para sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP), na inilunsad noong Marso 11 bilang bahagi ng kanilang digitalization efforts.

“These tools were purpose-built to empower OFWs, allowing transactions 'whenever, wherever' even in crisis zones,” ayon kay de Claro. —Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News