Isang bangkay ng lalaki ang nakita nitong Linggo ng madaling araw sa tabi ng southbound lane ng C5 Road sa Taguig City.

Ayon sa ulat ni Olan Bola sa Super Radyo dzBB, natagpuan ang bangkay sa tabi ng pader pagkalampas ng Upper McKinley Road.

Nakabalot sa kumot ang katawan ng biktima at nakitang nakatakip ng cellophane ang mukha nito.

Ayon sa SOCO ng pulisya, walang nakitang bakas na binaril o sinaksak ang biktima. Na-suffocate raw ang biktima sa pamamagitan ng plastic.

 

 

Hindi pa nakikilala ang biktima na tinatayang nasa 29-30 anyos sapagkat walang ID na nakita sa kanyang mga bulsa. 

Nakasuot ng checkered na shorts at T-shirt ang biktima nang matagpuan.

Ayon sa mga witness, inilaglag ng dalawang lalaki ang bangkay mula sa umaandar na sasakyan.

Pagkatapos nito, ang sasakyan ay nagtuloy papuntang southbound samantalang ang dalawang lalaki ay naglakad papuntang Upper McKinley Road.

Dinala na ang bangkay sa punerarya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —KG, GMA News