Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa ulat ng Balitanghali sa GMA News TV nitong Sabado.
Inaresto ng mga awtoridad ang mag-asawang suspek na sina Mercia Jamirola at alyas Almidal pati na ang isang Benhar Absara at ang umano'y runner na si Assad Shafi Ravo.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Alex Alberto, hindi alam ni Absara na nasa kabilang kuwarto na nagkakahulihan na kaya't naglabas pa ito umano ng panibagong 50 grams sa pag-aakalang may umoorder.
Hindi na nagbigay ng payahag ang target ng operasyon na si Almidal at ang kanyang misis.
Itinanggi naman ni Absara na sangkot siya sa ilegal na droga.
Ayon naman kay Ravo, ipinaabot lang sa kanya ang kontrabando.
Nakuha mula sa mga suspek ang 125 gramo ng hinihinalang shabu, weighing scale, drug paraphernalia at P3,500 marked money.
"Sa kabuuan po ay umaabot ng P1,156,000 'yung halaga ng na-recover natin na shabu," ani Alberto.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Quezon City Jail
Sa ginawang inspection naman sa Quezon City Jail, nakuha ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6,000.
Kinilala ang suspek na si Benedict Tan na nakulong dahil sa reklamong forgery.
Sta. Rosa, Laguna
Samantala, sa Sta. Rosa, Laguna, arestado ang isang lalaki sa buy-bust operation.
Nakuha mula sa suspek na nakilalang si Hanan Sarif Angnie alyas PJ ang 150 gramo ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon ang nasamsam na droga.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.
Mariveles, Bulacan
Sa Mariveles, Bulacan naman ay inaresto ang dalawang hinihinalang tulak ng droga na kinilalang sina Aaron Ninon at Erwin Leynes.
Nakuha mula sa mga suspek ang 40 sachet ng hinihinalang shabu.
Isang electrical lineman si Ninon na matagal na raw nasa drug watchlist ng pulisya.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang suspek. —KG, GMA News
