Isang lalaki ang patay matapos pagbabarilin sa Taft Avenue sa Maynila nitong Miyerkoles ng umaga, ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Dobol B sa News TV.

Nakilala ang biktima na si Frederick Rael batay sa ID na nakita sa kanyang pulang backpack.

Nakasuot ang biktima ng maroon na T-shirt, shorts na beige, sombrero, at itim na rubber shoes. Marami rin siyang tattoo sa katawan.

 

Iniimbestigahan na ng Manila Police District ang nangyaring pamamaril sa Taft Avenue, Maynila nitong Miyerkoles, Hunyo 26, 2019. Dead on the spot ang biktimang nakilalang si Frederick Rael. Isa Avendaño-Umali

 

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Sector, naglalakad ang biktima sa harap ng Philippine Women's University nang barilin siya ng suspek na may ka-riding in tandem sa motorsiklo, dakong alas 8:15 ng umaga.

Nagtamo ang biktima ng multiple gunshot wounds sa iba't ibang parte ng katawan.

Kinuha na ng Punerarya Archangel ang bangkay ng biktima.

Inaalam na ng mga awtoridad kung nakuhanan ng CCTV ang pamamaril. —KG, GMA News