Mga sugat at pasa sa mukha at iba't ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng isang walong taong gulang na batang babaeng. Himalang maituturing na buhay siya dahil iniwan na siya sa pag-aakalang patay na.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali ngayong Martes, Linggo ng gabi nang makasalubong daw ng batang babae ang 33-anyos na si Sotero Manuguid Jr. sa Barangay Ibayo-Tipas sa Taguig City.

Inalok daw nito ang bata na sumunod sa kanya sa isang bakanteng lote kapalit ng pera.

Ayon sa pulis, sinuntok daw ang bata at sinakal bago ginawan ng kahalayan. Tinakot pa umano yung bata na kapag nagsumbong siya ay papatayin siya, bago isinilid sa sako.

Iniwan daw ng suspek ang bata sa loob ng sako sa pag-aakalang patay na ito.

Pero nakatakas ang bata at nakapagsumbong sa kanyang mga magulang, haya agad daw nag-report sa otoridad ang mga ito.

Nag-conduct ng follow-up operation ang mga pulis, at natukoy naman ng biktima ang suspek.

Ayon sa medico-legal, positibong hinalay ang biktima.

Itinatanggi naman ng suspek ang mga paratang.

Napagkaisahan lang daw siya ng mga kamag-anak at kakilala nila.

Mga kasong rape at attempted homicide ang mga kasong isinampa laban sa suspek.

Samantala ang biktima, kasalukuyan pang nagpapagaling sa ospital. —JST, GMA News