Tatlong lalaki na nagkunwari umanong kongresista at nagtangkang makakuha ng pera kina Senador Bong Go at Cavite Vice Governor Jolo Revilla ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa entrapment operation sa Malabon City.
Kinilala ang mga suspek na sina Dennis Jose Borbon, 24; Edgar Paulo Bularan, 30; at Menard Bassa, 20. Nadakip sina Borbon at Bularan nitong Miyerkules, habang sa hiwalay na operasyon naman nasakote ri Bassa sa Camarines Sur nitong Martes.
Ayon sa pulisya, nagpanggap ang mga suspek bilang si Camarines Sur 4th District Representative Arnulf Fuentebella at tumawag umano kay Revilla para humingi ng P25,000 dahil nawala umano ang kaniyang wallet habang papunta sa Palawan.
Nagulat naman ang tunay na Fuentebella nang tumawag si Revilla para ipaalam na naipadala na niya ang hinihingi nitong halaga.
Dito na nila natuklasan ang modus ng mga suspek kaya humingi sila ng ayuda sa PNP-ACG para maaresto ang mga suspek.
Tinangka rin umano ng mga suspek na gawin ang naturang modus kay Go pero tumawag ang senador nang personal sa tunay na Fuentebella para alamin kung totoo itong nangangailangan ng pera.
Nakuha kina Borbon at Bularan ang mga sumusunod: isang Oppo cellphone, isang Starmobile cellphone, isang micro sim card, tatlong Globe prepaid load cards, isang Metro Bank debit card, apat na GCash card, isang Commission on Elections (Comelec) identification card, isang SM Advantage card, isang Mineski Infinity card at isang Happy Plus card.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Section 4 (b) (3) ng Republic Act 10175 (Identity Theft) at Article 315 Revised Penal Code (Estafa) in relation to Section 6 of RA 10175. —FRJ, GMA News
