Nagpanggap umanong na-kidnap ang isang babae sa Dagupan City, Pangasinan para makapagbulsa ng P5 milyon kapag tinubos siya ng kaniyang pamilya.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, sasagipin sana ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang 40-anyos na babae pero wala siyang kasamang mga kidnapper nang datnan ng mga operatiba sa napagkasunduang lugar.

"Inamin niya na gawa-gawa niya lang ito... aburido na dahil sa pagkalugi ng negosyo at pagkawala nitong napakalaking pera na ipinadala ng common-law husband niya," ayon kay Police Lieutenant Colonel Elmer Cereno, tagapagsalita ng PNP-AKG.

Nasunog raw noong Mayo ang grocery store na naipundar ng babae gamit ang P300,000 na ipinadala sa kaniya ng kinakasamang foreigner. Kasama rin sa mga naabo ang listahan ng mga pinautang ng babae.

Ito raw ang nagtulak sa babae para magpanggap na nadukot siya.

Pinag-aaralan na raw ng PNP kung ano ang reklamong isasampa laban sa nagpanggap na kidnap victim dahil sa abalang naidulot nito sa seryosong operasyon ng pulisya laban sa pandurukot.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng babaeng sangkot sa insidente. —Dona Magsino/NB, GMA News