Hinangaan ang mabilis na pagkilos ng mga Pilipino na bumbero na nasa Japan nang may batang mahulog sa riles ng tren. Ang Pinay na kasama sa grupo, walang inaksayang oras at agad na inabot ang bata para mailigtas.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing ipinamalas ni Fire Inspector Vijoan Yumul ang mabilis na pagresponde matapos na tumulong sa pagligtas sa 2-taong-gulang na lalaki na nahulog sa riles ng tren mula sa platform noong May 29.
Ayon kay Yumul, tubong-Tarlac, galing ng kanilang grupo sa isang event ng International Fire Chiefs Association of Asia sa Nagoya at patungong Kyoto nang mangyari ang insidente.
Kuwento niya, kabababa lang nila ng tren nang may marinig silang sigaw na may nalaglag. Inakala raw nila noong una na cellphone lang ang naglalaglag sa riles mula sa platform.
“Pagsilip namin bata, nakahiga yung bata,” saad nya.
Agad na humingi ng tulong ang mga kasama ni Yumul sa mga guwardiya ng train station para maalerto ang tren, habang sinubukan ni Yumul na abutin ang bata na nasa ibaba.
“Talagang humiga na ako, kinuha ko yung bata…siguro mga three to four feet yung lalim nung railway. Hindi na ako nagdalawang-isip na kunin siya,” ayon kay Yumul na nakadestino sa BFP-Region II.
Isang Japanese din ang tumulong at humawak naman sa kabilang kamay ng bata na kanilang ligtas na naiangat sa platform.
Nasa Pilipinas man o sa ibang bansa, ipinakita ng grupo ni Yumul ang kahandaang tumulong at magmalasakit sa kapuwa, ano man ang lahi. – FRJ GMA News
