Umakyat na sa 45 ang mga napaulat na nasawi dahil sa magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa ulat nitong Martes ng gabi, sinabi ng NDRRMC na 33 sa mga napaulat na namatay ang nagmula sa Soccsksargen, habang 12 naman ang mula sa Davao Region.

Labimpito katao sa kabuuan ang napaulat na nawawala at 487 katao ang napaulat na sugatan matapos ang lindol nitong Lunes.

Sinabi ng NDRRMC na sasailalim pa sa balidasyon ang mga datos.

May kabuuang 149,372 katao o 33,596 pamilya ang naapektuhan ng lindol sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa mga apektadong populasyon, 32,464 katao o 8,813 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center, habang 8,973 katao o 1,804 pamilya ang nananatili sa ibang mga lugar.

Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na narating na ng government responders ang mga lugar na unang napahiwalay o isolated.

Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi rin ni OCD spokesperson Junie Castillo na nananatiling hamon ang pagpunta sa ilang mga lugar dahil sa mga nasirang imprastraktura, lalo na sa ilang bahagi ng Soccsksargen.

Dagdag pa niya, nananatiling hindi madaanan ang ilang mga kalsada at tulay, kaya gumamit ang mga awtoridad ng mga alternatibong ruta at transportasyong pandagat para maghatid ng relief supplies at maabot ang mga apektadong komunidad.

Sinabi ni Castillo na patuloy ang pagsasagawa ng mga pagsusuri ng pinsala sa imprastraktura.

Batay sa mga inisyal na ulat mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), may 18 nasirang tulay sa Soccsksargen, kung saan anim ang halos hindi madaanan. Apektado rin ang hindi bababa sa 41 kalsada, kung saan humigit-kumulang 20 ang hindi madaanan.

Nagdulot din ng anim na napaulat na landslide ang lindol.

Patuloy ang paghahatid ng gobyerno ng mga pagkain at non-food items, mga tent, gasolina, at iba pang mahahalagang supply sa mga residenteng nawalan ng tirahan dahil sa lindol.

Sinabi ni Castillo na may sapat na imbak na pagkain ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga apektadong residente. —Jamil Santos/AOL GMA News