Sinuportahan ni Education Secretary Leonor Briones ang panukalang batas na nagsasaad ng "no homework" policy sa kindergarten hanggang Grade 12 students sa bansa.

"Lahat ng mga lessons dapat during school hours. After that si parents na... Para 'yung mga bata naman ay may time mag-bond sa parents o maglaro o just to relax by themselves," sabi ni Briones sa ulat ni Oscar Oida sa GMA's "24 Oras" nitong Martes.

Sinabi pa ni Briones na kung minsan ay hindi naman talaga ang mga estudyante ang gumagawa ng kanilang assignments.

"Alam naman natin ang bata talaga kung minsan si lola, si mommy, si yaya ang nagtutulong o gumagawa mismo, si tutor, ng homework. Kaya minsan kung ano nasa isip ni yaya 'yan ang lumalabas sa homework ng bata," paliwanag ng kalihim.

Matatandaan na naghain ng House Bill 3611 si House Deputy Speaker Evelina Escudero, na ipagbawal ang pagpapauwi ng aralin sa mga bata para mabawasan din ang bigat na dinadala ng mga bata sa kanilang bag tuwing pumapasok at umuuwi ng bahay.—FRJ, GMA News