Nagbigay ng paglilinaw si Sachzna Laparan tungkol sa kontrobersiyang kinasangkutan niya nang i-cover nila ang isang kanta Angelica Jones na "Miss Flawless."

Sa nakaraang episode ng “Your Honor,” binalikan ang sinabi ni Angelica nang maging guest din ito sa programa na “na-hurt” siya dahil wala umanong pagpapaalam ang kampo ni Sachzna.

Pero sa pagbisita naman niya ngayon sa programa, iginiit ni Sachzna na nagpaalam sila nang i-cover nila nina Flow G at Bosx1ne ang naturang kanta.

“Siyempre kapag ikaw ay artist, merong mga behind the scene na magpapaalam talaga for you. Which is nagpaalam sila at meron din talagang mga conversation na nilabas,” sabi niya.

Katunayan, nakausap daw niya mismo ang composer ng kanta na si Lito Camo at pinayagan siya nito.

“Pero behind the scene lagi kong sinasabi ‘Nagpaalam po ba talaga tayo?’ which is true naman. Meron silang conversation at ako naman mismo nagpaalam sa mismong producer na si Mr. Lito Camo. Dalawang beses kami nagkita at siya ang nagbigay ng go signal sa amin,” paliwanag niya.

Gayunman, ilang taon na umanong inihayag ni Angelica ang pagpuna niya kay Sachzna.

“I mean never ako nagbigay ng statement or… Kasi turo ng nanay ko talaga, gumalang sa nakakatanda sa akin. So never akong naglabas ng kahit na anong statement or sumagot kasi, I mean, akala ko lilipas lang hayaan na, ganu’n,” patuloy niya.

Ayon kay Sachzna, kasama dapat si Angelica sa kanilang music video, ngunit hindi ito natuloy.

“Doon dapat kami magkikita. Busy yata siya sa politics nu’ng time pero na-set na 'yung date na ‘yon.”

Dahil dito, itinuloy pa rin nina Sachzna ang music video.

“Eh wala na po akong idea eh. Ako'y nag ano-ano lang, aura-ura lang doon.”

Kaugnay naman sa isang awards show kung saan hindi umano pinansin ni Sachzna si Angelica, sinabi niyang hindi siya sigurado kung lalapitan niya ito.

“'Di ba sabi ko nga 'yung mga time na ‘yon marami na akong naririnig ng kung ano-ano, hindi ko na alam kung paano pa makisama ‘pag gano’n. Baka, alam mo 'yun, magalit siya sa akin lalo awkward na. Hindi ko talaga alam eh,” paglilinaw niya.

“Actually nga kahit tinginan hindi ko na rin nagawa kasi for me hurt din naman ako that time kasi feeling ko nabu-bully ako. Eh parang ilang taon na akong binu-bully,” dagdag ni Sachzna.

Ayon pa kay Sachzna, hindi rin siya sigurado kung paano kakausapin si Angelica.

“Paano mo siya haharapin? So that time hindi ko talaga alam kung paano siya haharapin. Pero never nanaray kasi wala namang mga awarding na ganon. I mean. walang reason para gawin mo 'yun,” saad niya.

Nauna nang sinabi ni Sachzna na wala siyang hangad na makilala bilang si Miss Flawless, para sa kapayapaan ng kaniyang pag-iisip. -- FRJ GMA News