Na-adik sa droga at maraming beses nakulong, nagbago ang buhay ni Roberto dela Cruz nang subukan niyang makinig sa evangelization sa simbahan. Ngayon, isa na siyang pari na tumutulong sa mga nalulong din sa droga sa Manila City Jail.

Sa "Stand For Truth," sinabing bahagi si Father Bobby ng drug recovery intervention na "Sanlakbay Program" para sa mga drug surrenderers.

Bago nito, naka-graduate na noon si Roberto nang magsimula siyang gumamit ng marijuana. Na-adik siya at nagbenta pa nito, kaya labas-masok siya sa bilangguan.

Napaiyak na lamang ang pamilya ni Roberto sa kaniyang naging sitwasyon.

Ngunit dahil sa evangelization sa simbahan, nakita ni Roberto ang kaniyang kahinaan at pangangailangan ng Diyos kaya siya nagbago at nagkaroon din ng kagustuhan na maging pari.

Pinamumunuan na ngayon ni Father Bobby ang isang support and recovery center, kung saan hindi nalalayo sa kaniya ang pinagdadaanan ng mga nakulong dahil sa droga.

Panoorin ang kaniyang nakaaantig na kuwento, at kung ano ang kaniyang pananaw tungkol sa pagsugpo sa droga.

—LDF, GMA News