Labinlimang saksak ang tumapos sa buhay ng isang babae sa Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City nitong Linggo ng gabi, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Ayon sa isang saksi, bigla na lang nagtatakbo ang babae palabas galing sa looban ng Agham Road at humingi ng tulong pasado alas-nuebe ng gabi.

Sumakay daw ito sa isang pedicab, umupo nang saglit, at maya-maya ay nawalan na ng malay.

Labinlimang saksak na karamihan ay sa likuran ang tinamo ng biktima na nakilala lamang sa alyas na Apple.

 

 

Bakas pa ang dugo sa eskinita sa Sitio San Roque kung saan sinasabing nanggaling ang biktima.

Napag-alamang tatlong araw pa lang umuupa doon si Apple kasama ang asawa na suma-sideline bilang jeepney driver.

Ayon sa may-ari ng paupahan, nakausap pa niya ang asawa ng biktima para sabihin ang nangyari.

Tumanggi raw itong puntahan ang kanyang asawa at baka madamay at patayin din daw siya.

Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang asawa ng biktima para makakuha ng karagdagang detalye.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. —KG, GMA News