Dalawang hinihinalang magnanakaw ang napatay ng mga pulis sa isang engkuwentro sa Maynila, ayon sa ulat ng Balitanghali nitong Lunes.

Nag-counterflow umano ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo kaya sinita ng mga pulis. Pero imbes na huminto, tumakas daw sila.

Nakipaghabulan at nanlaban pa umano sila sa mga pulis hanggang sa makorner malapit sa Manila Zoo.

Isinugod naman sila sa Ospital ng Maynila pero binawian din ng buhay kalaunan.

Bukod sa mga baril, nakuha rin sa kanila ang isang bag na pambabae.

Hinala ng pulisya, sangkot sa serye ng nakawan sa lugar ang dalawa na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Walang plaka ang kanilang motorsiklo. —KBK, GMA News