Natagpuan ang naaagnas na mga labi ng 26 aso at tatlong pusa na nakasilid sa mga plastic bag at itinapon sa New Town Street sa Barangay Minuyan Proper sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabi ng mga residente na nadiskubre nila ang mga labi ng mga hayop noong Miyerkules ng umaga matapos makaamoy ng masangsang sa lugar.
“May sasakyan po dito na huminto tapos nagmane-obra. Tapos di ko po napansin yung mga nagbaba, ang napansin ko lang po isang lalaki bumaba po tapos di ko napansin kasi umalis na ako non,” ayon sa isang residente.
“‘Di ko po alam na may itinapon, tapos pagkagising ko po ng umaga may mga sako na po dito na akala ko lang po mga basura. Nape-perwisyo po ‘yung mga nakatira dito kasi ano po eh di po kinakaya ‘yung amoy,” patuloy niya.
Nakita rin na nakadikit sa mga plastic bag ang mga pangalan ng mga alagang hayop at ang kani-kanilang timbang.
Napagkamalan din ng isang manggagawang malapit sa lugar na ordinaryong basura lang ang mga nakalagay sa sako.
“Akala namin basura lang, kinabukasan pagdating namin may amoy na… nagreklamo ako sa barangay,” sabi ni Ronnie.
Dahil sa pangamba sa kalusugan ng publiko, agad na inilibing ng lokal na awtoridad ang mga hayop sa isang bakanteng lote.
“Need na po namin ilibing… ngayon nga may amoy pa, ‘di ba. Nagdalawang hukay kami,” ayon kay Dories Servidad, supervisor ng Barangay Minuyan Material Recovery Facility.
Nangako naman ang mga lokal na awtoridad na papanagutin ang mga responsable sa insidente. Ilang may-ari na rin umano ng mga alagang hayop ang lumapit upang kilalanin at kunin ang ilan sa mga ito.
“We’re coming for you, we’re going to find you, and we will make you pay. There’s no excuse. What you did is disrespectful, [with] no regard for animals. And especially these animals were turned over to somebody to have their forever rest, and this is what they did with them? Disgusting,” pahayag ni Chris Taylor, founder ng Luna and Furry Siblings Animal Welfare and Rescue.
Sinabi ng San Jose del Monte City Police na iimbestigahan din nila ang insidente upang matukoy ang mga nagtapon sa mga labi at mahanap ang mga may-ari ng mga alagang hayop.
“Magba-backtrack po kami para makita yung plate number tsaka yung mga may-ari nung mga hayop nung itinapon dito. Kung mapatunayan na totoo na nagkasala yung nagtapon dito ay file-an po natin ng kaukulang demanda,” ayon kay acting Chief of Police P/Lt. Col. Nelson Sardin.
Legal action
Nagpahayag din ng kahandaang tumulong ang Animal Kingdom Foundation sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga tao o grupong sangkot sa insidente.
Ayon kay Atty. Heidi Caguioa, program director ng foundation, maaaring maharap sa mga kasong paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act at estafa ang mga responsable kung mapatutunayang niloko nila ang mga may-ari ng alagang hayop na nagbayad para sa maayos na cremation o pagtatapon sa mga labi ng kanilang mga alaga.
“This case is simply not an issue of improper waste disposal. It is an issue of accountability, professional responsibility, and respect for life,” sabi ni Caguioa.
“We cannot claim to be a society na nagva-value ng (that values) animal welfare if we cannot even ensure that our animals who have died are treated humanely and disposed of with respect and dignity,” dagdag niya.
Kinondena rin ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang umano'y panloloko ng pet crematorium na sangkot sa insidente sa Bulacan. Hinimok nito ang mga apektadong may-ari ng alagang hayop na lumantad, magkaisa, at magsagawa ng kaukulang hakbang legal.
Sa isang pahayag, inihayag ng PAWS na sinabi umano ng crematorium sa mga may-ari ng hayop na na-cremate na ang kanilang mga alagang hayop kahit hindi naman ito totoo. Dahil dito, nagbayad ang mga ito para sa serbisyong ipinangako.
“Based on the comments from affected pet parents, the crematorium allegedly represented that the animals had been cremated, knowing that this was false and induced pet parents to pay for the service,” ayon sa PAWS
Hinimok ng grupo ang mga apektadong may-ari na itago ang kanilang mga resibo, cremation certificate, mga komunikasyon, litrato, at iba pang ebidensiya. Pinayuhan din silang humingi ng legal na tulong upang makapagsampa ng kaukulang reklamo..
“Pet parents paid for a service that was supposed to provide their beloved companions with a dignified farewell. Instead, their remains were reportedly dumped like garbage in a vacant lot. This is not merely a failure to deliver a service but constitutes Estafa by means of deceit,” dagdag ng PAWS.— Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
