Nasunog ang nasa 10 bahay sa General Luna St. sa Paco, Maynila bandang ala-sais ng umaga nitong Lunes.

Umabot ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula makalipas ang isang oras.

 

Sampung bahay ang natupok sa sunog na naganap sa Paco, Maynila nitong Lunes, Oktubre 14, 2019. Danny Pata

 

Yari sa light materials ang mga bahay kaya madaling tinupok ng apoy.

 

 

Agad nagtakbuhan sa labas ng bahay ang mga residente bitbit ang kani-kanilang mga gamit.

Mayroon pang nakapagsalba ng imahen ng Sto. Niño.

 

 

Pero ang ilan, walang naisalba.

Ang residenteng si Rolando Tembrevilla na na-stroke noon, nasunugan ng maintenance na gamot na pang-anim na buwan.

Si Romelo Lusanta, nasunugan naman daw ng P200,000 cash na itinago raw niya sa loob ng bahay.

 

 

Sabi ni Fire Chief Inspector Joel Carl Blando ng Bureau of Fire Protection - Manila Station 2, tinatayang nasa P50,000 ang pinsala ng sunog.

Sa bahay daw ng nagngangalang Edna Bulatao nagsimula ang apoy.

Inaalam pa ang sanhi nito.

Wala namang nasugatan dahil sa sunog, pero isang ginang ang isinugod sa ospital matapos mahilo habang nagpapahinga sa kalsada.

 

 

—KG, GMA News