Arestado ang isang lalaki sa Maynila na maraming beses umanong ginagahasa sa loob ng dalawang taon ang dating 12-anyos pa lamang niyang anak.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Balitanghali, si nabing nauna umanong minolestiya ng suspek ang kanyang step daughter na noo'y menor de edad din.
Ayon sa ulat, ang lola ng mga biktima ang nagsuplong sa suspek sa mga pulis sa Sampalok.
Kasama ni lola Cristy si Denise (hindi tunay na mga pangalan) na umano’y nakakita sa pangmomolestya ng 49-anyos na suspek sa 15-anyos nitong anak na babae.
Ayon sa mga pulis, taong 2017 pa minomolestya ng suspek ang kanyang anak na babae na noo'y 12-anyos pa lamang.
Dalawang beses sa isang buwan umanong hinahalay ang biktima.
Pero bago ang kanyang anak, nauna raw na minolestya ng suspek noong 2013 ang kanya namang stepdaughter na noo'y dose anyos lamang.
Pahayag ni Police Corporal Jenilyn Baggay ng Women and Children’s Desk ng Manila Police District Station 4, “Natatakot daw po sila (mga biktima) kasi nagbabanta po yung tatay nila na kapag nagsumbong daw papatayin daw po niya yung buong pamilya.
Ayon sa lola ng mga bata, inireklamo na raw noon sa pulis ang suspek, pero hindi nakasuhan dahil pumalag ang misis nito.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang sa kanya, at sinabing tila may galit lang daw sa kanya ang kanyang biyenan na babae.
Wala rin daw malisya ang paghawak niya sa kanyang mga anak.
Nakakulong ngayon ang suspek sa Sampaloc Police Station at mahaharap sa reklamong rape.
Ayon sa mga pulis, desidido na ngayon ang nanay ng mga biktima na ituloy na ang reklamo laban sa kanilang padre de pamilya. —LBG, GMA News
