Sinalakay ng mga awtoridad ang isang five star hotel na nasa Metro Manila para masagip ang nasa 40 dayuhang babae na ginagamit umano ng isang international prostitution ring. Ang presyo ng mga babae, aabot umano ng mula P50,000 hanggang P250,000.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang pagsalakay ay ginagawa ng mga operatiba ng NBI-Special Task Force kung saan inabutan sa mga VIP suite room ang mga dayuhang sangkot umano sa high-tech na paraan ng prostitusyon.
Ayon sa NBI, bukod sa paggamit ng social media, gumagamit din umano ang sindikato ng mga QR codes na nakakabit sa mga lighter para makakuha ng mga parokyano.
"Itong mga QR codes 'pag ini-scan ng client nila, mag-a-appear 'yung site kung saan makikita at makakapamili sila ng babae at kung anong serbisyong kayang gawin at kung magkano," sabi ni Atty. Gerald Geralde, hepe ng NBI Special Task Force.
"Hindi lang Chinese prostitutes ang ginagamit or inaabuso kundi maging Russians. In our case may isang Japanese at saka meron ding Vietnamese, so international na ang scope ng mga operation ng prostitution ring na ito," dagdag ni Geralde.
Para hindi mabisto ang modus, nagpapanggap umano ang sindikato na nagsasagawa ng "single mixer" o "meet-and-greet" party sa suite ng isang malaking hotel para magkikita ang mga customer at mga naggagandahang dayuhang babae.
"Parang doon lang sila nag-meet, as two consenting adults eh nag-agree sila sa isang one night stand kung tawagin, kaya ito ang kanilang way para maitago, mai-conceal 'yung kanilang prostitution activities," ayon kay Geralde.
Para makapasok sa venue, P100,000 kada tao umano ang singil ng sindikato. Bukod pa rito ang presyo na mula P50,000 hanggang P250,000 para makatalik ang isang dayuhang babae.
Dinala sa NBI ang mahigit 80 katao kabilang ang 40 mga dayuhang babaeng nasagip, 30 parokyanong Chinese, at walong Chinese na bugaw.
"Off-shoot ito ng ating mga POGO sa Pilipinas kasi ang kini-cater ng mga prostitutes na ito is 'yung mga trabahador ng POGO," saad ni Geralde.
Tumangging magsalita ang mga inarestong dayuhan nang subukang kunan ng pahayag. Sinampahan sila ng kasong human trafficking.
Ire-refer naman ng NBI ang mga nasagip na mga babaeng dayuhan sa Bureau of Immigration pagkatapos ng verification process ipara maibalik sila sa kani-kanilang mga bansa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
