Patay ang isang lalaking tumatawid sa EDSA sa bahagi ng Quezon City matapos siyang mabundol ng puting van kaninang madaling araw.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing kaagad na nasawi ang hindi pa nakikilalang biktima sa northbound lane ng Edsa-Cubao.

Sa lakas ng pagkakabundol sa biktima dakong 1:00 a.m., nabasag ang windshield ng van.

Ayon sa driver ng van na si Lauro Salazar,  palusong siya sa flyover nang bigla na lang tumawid ang lalaki. Pinilit naman daw niyang makapreno pero huli na.

Dahil sa madilim daw sa lugar, may nagsasabing may iba pang nakabangga sa biktima.

"Nagmenor na nga ako at gigilid na nga ako. Tapos meron pala akong kasunod na motor, sila ang nakakita [na] meron pang mga nakasagasa. Hindi rin kasi talaga mapapansin," sabi ni Salazar.

patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima, na batay sa impormasyon ng barangay ay pulibi sa lugar na madalas daw talagang makitang tumatawid sa EDSA.--FRJ, GMA News