Nagtamo ng tatlong saksak sa katawan ang isang 16-anyos na binatilyo sa nangyaring riot na abot sa 67 kabataan ang sangkot sa Quezon City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Greater Lagro, Fairview nitong Sabado ng hapon.
Sa ipinakitang video footage, makikita ang pagtatakbuhan ng mga kabataan hanggang sa may kuyugin sila. Nang mag-alisan na grupo, naiwan ang biktima na nakahiga sa damuhan at may saksak sa tagiliran, likod at kamay.
Mapalad na nakaligtas ang biktima at patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Ayon sa pulisya, dati nang magkalaban ang grupo at naghamunan sa isang chat group kung saan sila magtatagpo.
Ipinatawag ng pulisya ang 67 kabataan na kasama umano sa kaguluhan. Karamihan sa kanila ay mga lalaki, at may apat na babae. Nasa edad 11 hanggang 16 ang mga sangkot sa kaguluhan.
Sinabi rin ng pulisya, na ipinatawag din nila ang mga magulang ng mga kabataan na may mga residente ng Quezon City at Caloocan City.
Sa tulong din ng saksi, nakilala ang dalawang suspek na sumaksak umano biktima na parehong 16 anyos. Patuloy pa silang hinanahap ng mga awtoridad.
Positibo ring kinilala ng biktima ang isa sa mga sumaksak sa kaniya.
Mga residente umano sa Barangay Culiat ang dalawang hinahanap na suspek, na mahaharap sa reklamong frustrated homicide. – FRJ GMA Integrated News
