Pinagbabaril ng mga nakamotorsiklong salarin ang isang tricycle driver sa Commonwealth, Quezon City, ayon sa ulat ni Corrine Catibayan sa Unang Balita nitong Martes.
Dead on the spot ang biktimang si Fortunato Gacol at palaisipan para sa pamilya niya ang motibo sa krimen.
Naganap ang insidente pasado 2 a.m. ng madaling araw.
Ayon sa Barangay Public Security Officer (BPSO) na si Ben Pol, riding in tandem ang nasa likod ng pamamaril. Wala raw suot na helmet ang mga suspek na agad ding tumakas matapos ang pamamaril.
Namamasada raw si Gacol at nakapila sa terminal katabi ng Commonwealth Market nang mangyari ang krimen.
Agad napasugod ang mga kaanak ni Gacol pero tumangging magbigay ng pahayag ang kaniyang asawa.
Inaalam pa ng mga otoridad kung sino ang mga salarin at ano ang motibo sa likod ng pamamaril. —KBK, GMA News
