Arestado ang isang barangay kagawad matapos umanong halayin ang bedspacer sa paupahan niya sa Maynila, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto ng Super Radyo dzBB sa Unang Balita nitong Martes.
Ayon sa 21-taon gulang na biktima, tatlong buwan na siyang nangungupahan bilang bedspacer kay Kagawad Chendong dela Cruz, 44, ng Barangay 462 sa Sampaloc.
Aniya, P6,000 ang kanyang renta sa nasabing kuwarto ngunit wala na siyang kasama kaya may kabigatan ang kanyang renta.
Sa kuwento ng biktima, nang hindi siya nakapagbayad ng renta sa kanyang inuupahan ay kinausap siya ni Dela Cruz. Matapos kausapin ay hinalikan umano siya nito at dinala sa isang bakanteng kuwarto at dito na ginawa ang panghahalay.
Wala umanong magawa ang biktima dahil na rin sa sobrang takot nito.
Gayunman, matapos ang insidente ay agad siyang nagtungo sa pulisya para isumbong ang ginawa sa kanya ng opisyal ng barangay dahilan para agad na dakipin ang suspek.
Nakuha pa umanong mag-text ng kagawad sa kanya na ililibre na ang renta huwag lamang magsumbong sa pulisya.
Pero nang dalhin sa Manila Police District Headquarters si Dela Cruz ay aminado ito na may nangyari sa kanila pero itinanggi nito na ginahasa nya ang biktima.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring insidente. —KBK, GMA News
