Isang kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang lumantad sa pagdinig ng Senado at isiniwalat ang lawak ng operasyon ng umano'y suhulan sa "escort" service na kung tawagin ay "pastillas" modus. Sa naturang sistema,  nakapapasok ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport ang mga Chinese national na nagsusugal at magtatrabaho nang hindi raw nasusuring mabuti.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Miyerkules, idinetalye ni Allison Chiong, Immigration Officer 1, ang operasyon ng naturang modus at pinangalanan ang mga opisyal na sangkot umano sa katiwalian, kabilang sina Traffic Control Enforcement Unit officers Bien Guevarra, Glenn Comia, at Den Binsol.

Tinukoy din ni Chiong na sangkot sa iligal na operasyon ang iba pang taga-BI na  nagngangalang Totoy Magbuhos, Deon Albao alias Nancy, Paul Borja alias Lisa, Anthony Lopez alias AL, at Dennis Robles DR.

Batay sa testimonya ni Chiong, ipinahiwatig niya na 90 porsiyento ng immigration officers sa naturang paliparan ang sangkot sa katiwalian.

“Ten percent na lang ang hindi kasama sa modus,” sabi ni Chiong, na umamin na sa kaniya umano nanggaling ang video na makikita ang BI officers na nagpoproseso sa mga Chinese POGO workers sa NAIA.

Bago nito, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin sa kanilang puwesto ang mga opisyal at kawani ng BI na sangkot sa naturang modus.

Sa affidavit ni Chiong, idinetalye niya ang sistema ng modus sa NAIA kung saan umaabot sa libu-libong piso ang lagayan para mabilis na makapasok ng bansa ang mga Chinese.

Nagsimula raw tumindi ang modus nang alisin ng Department of Justice’ ang overtime pay ng immigration officers noong 2012, at dumating ang mga alok na VIP service sa mga dayuhan.

“To cope with the substantial deduction of their salaries, some immigration officers decided to officer VIP services for immigrants who are casino high-rollers. This VIP service involved immigration officers accepting P2,000 for each high rollers in exchange for the latter’s convenient and seamless immigration,” ayon kay Chiong.

Nang makita umano umano nina Guevarra, Comia, at Binsol, na mapagkakakitaan ang naturang pagbibigay ng VIP service, kinuha nila ang operasyon nito mula kay dating Ports Operation Division chief na si Red Mariñas, sabi pa ni Chiong.

“They took control of the collections from entering and departing passengers then disbursed commissions at the end of every week.”

Pagdating nang 2017, napansin na raw niya ang pagdating ng maraming Chinese na umaabot sa 2,000 sa isang araw.

Ipinapadaan umano sa Viber ang listahan ng pangalan ng mga Chinese na aalalayang makapasok sa bansa nang hindi dumadaan sa normal na proseso.

“These Chinese nationals were no longer required to undergo screening, they were simply let inside the Philippines without question or investigation,” ani Chiong.

"Para sa Chinese, hahanapan ‘yan ng return ticket; second, ‘yung hotel booking or place to stay; third, ‘yung  itinerary; fourth, proof of financial capacity,” patuloy niya.
Dahil sa modus, hindi na rin umano isinasalang sa masusing screening o profiling ang mga dumarating na Chinese.

Pero binura umano ang naturang Viber group nang magsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation tungkol sa operasyon ng BI airport operations.

“To avoid detection, the names of the Chinese nationals who were to be allowed VIP treatment were no longer sent through Viber. To circumvent this, the flow of operations changed: the immigration officers at the counter were asked to bring each Chinese national to the  holding area of TCEU and a member of the TCEU would then check the name with the master list,” paliwanag ng saksi.

Ang mga immigration officer na kasama sa operasyon ay nakatatanggap umano ng nasa P20,000 linggo sa NAIA Terminal 1 at P8,000 bawat linggo sa Terminal 3. —FRJ, GMA News