Nakumpiska ng Philippine Army ang halos dalawang tonelada ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng hanggang ₱14 bilyon, mula sa isang inabandonang speedboat sa Paluan, Occidental Mindoro.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo DZBB ngayong Miyerkoles, sinabing makita ng mga residente ang speed boat na nakasadsad sa pampang sa Barangay Harrison.

Ang kay Brigadier General Melencio Ragudo, Commander ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army, patuloy ang pagsasagawa nila ng manhunt operation kasama ang ilan pang awtoridad matapos na tumakas ang mga dayuhang suspek.

 

 

Batay sa ulat, unang napansin ng ilang residente ang isang kulay puting twin-engine speedboat na sumadsad sa mababang parte ng dagat kaya nabutas ang hull nito.

Dahil dito, nag-alok ng tulong ang ilang residente pero sa halip na magpasalamat, pinalalayo pa umano ng mga dayuhan ang mga tao.

Nang makita nilang may lumalapit na mga miyembro ng Philippine Army, kumaripas na ng takbo ang dalawang dayuhan papunta sa masukal na bahagi ng bundok at tuluyang inabandona ang speedboat.

Nang suriin ang nabutas na speedboat, tumambad ang may 43 sako na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Naiwan din ng mga suspek ang kanilang mga communication device, walong hand flares, at dalawang lifejacket at buoy.

Batay sa mga awtoridad, kung pagbabatayan ang market value ng dalawang tonelada ng shabu sa P6.8M kada kilo, nagkakahalaga ito ng tinatayang P13 bilyon hanggang P14 bilyon, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News