Sa kabila ng kaniyang kapansanan sa pagkakaroon lang ng dalawang paa sa harapan, tila nais pa ring ipakita ng isang alagang biik sa Agoncillo, Batangas, na kaya niyang tumayo sa kaniyang sariling mga paa. Ang pambihirang biik, dalawa rin ang kasarian.

Sa ulat ni Kim Atienza sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing alaga ng pamilya ni Maricel Holgado, ang pambihirang biik na pinangalanan nilang “Lucky.”

Tila may hatid daw talagang suwerte sa kanila si Lucky mula nang isilang ito nito lamang nakaraang Enero.

Kuwento ni Maricel, si Lucky ang unang biik na lumabas nang manganak ang kanilang inahing baboy. Pero napansin daw nila na hindi kaagad nagpakita ang biik sa kanila.

“Pagkalabas po niya hindi siya umiibo. Sabi ko sa asawa ko pakitingnan kasi baka naiipit kaya hindi siya umiibo. Yun pala dalawa lang yung paa niya kaya hindi siya lumalabas,” ayon kay Maricel.

Mayroon din umanong mga interesadong bilhin si Lucky pero hindi raw nila ito ipagbibili at nais nilang alagaan lang si Lucky.

Sa kabila ng kalagayan ni Lucky, nakita nina Maricel ang kagustuhan nitong makalakad at nagagawa naman ito ng biik sa pamamagitan ng pagbalanse upang makatayo gamit ang dalawa niyang paa sa harapan.

Ngunit maliban sa pagkakaroon ng dalawang paa lang, nais din nina Maricel na maliwanagan kung ano talaga ang kasarian ni Lucky dahil dalawa ang ari nito na isang pambabae at isang panglalaki.

Ayon kay Kuya Kim, ang kondisyon ni Lucky sa pagkakaroon ng dalawang paa ay tinatawag na “Amelia,” na isang congenital birth defect na kulang o hindi ganap na nabuo ang isa o higit pang paa o braso ng isang hayop.

“Yung tinatawag nating Bilateral Hindlimb Amelia. So nagmukha tuloy siyang 2-legged pig, o yung bipedal pig. Ito y bunga ng tinatawag nating teratological defects na problema during the embryonic development ng ating mga baboy,” paliwanag ni Dr. Aris Miclat, veterinary pathologist.

May iba’t ibang dahilan umano kung bakit ito nangyayari sa hayop. Gaya ng genetic mutation, problema sa pagbuo ng embryo, impeksyon o  kakulangan sa nutrisyon ng inahing baboy habang buntis, o pagkaka-expose sa toxins o kemikal.

Depende sa tindi ng kondisyon, sinabi ni Miclat na may ibang biik na hindi nagtatagal ang buhay.

Tungkol naman sa pagkakaroon ng dalawang kasarian ni Lucky, sinabi ni Miclat na posibleng isang male pseudohermaphrodite ang biik, batay sa nakita niya sa video nito.

“Hindi ito normal at ito ay nangyayari lamang sa mga baboy na nakaranas ng let's say infection, malnutrition or deprivation ng kanilang blood supply during the embryonic period,” paliwanag ng beterinaryo.

Kung Amelia ang tawag sa mga hayop na kulang mga paa, sinabi ni Kuya Kim na Polymedia naman ang tawag sa mga hayop na sobra-sobra naman ang mga paa o braso. –FRJ GMA Integrated News