Isang babaeng estudyante ang nahuli-cam na nabiktima ng panghoholdap ng riding-in-tandem sa Barangay Villamonte, Bacolod City. Ang isa sa mga suspek, nahuli sa buy-bust operation.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera ng barangay na naglalakad pauwi galing paaralan ang babae nang harangin siya ng riding-in-tandem suspects.

Nagpanggap na magtatanong ang mga suspek, sabay tutok ng kutsilyo sa estudyante.

Hindi na nahagip sa video pero iniabot na lamang ng biktima ang kaniyang bag at cellphone dahil sa takot.

Nadakip sa drug buy-bust operation sa Barangay Dos ang isa sa dalawang suspek matapos siyang mahulihan ng hinihinalang shabu na halagang P70,000.

Positibo siyang kinilala ng biktima, na magsasampa sa kaniya ng reklamong theft.

Hindi nagbigay ng pahayag ang nadakip na suspek tungkol sa nasabat na droga umano at sa panghoholdap, samantalang tinutugis ang kasabwat niya.-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News