Dagdag gastusin ang papasanin ng mga kliyente ng Manila Electric Company (Meralco) dahil tataas din ang singil kuryente ngayong Marso matapos itaas ng power distributor ang singil sa kuryente sa mga kabahayan bunga ng mas mahal umanong transmission at generation costs.
Sa inilabas na abiso ngayong Martes, inihayag ng Meralco ang tataas ng P0.6427 kada kilowatt-hour (kWh) sa power rate sa Marso 2026. Dahil dito, aabot sa P13.8161 kada kWh ang kabuuang singil para sa karaniwang kabahayan ngayong buwan, mula sa P13.1734 kada kWh noong Pebrero 2026.
Ang naturang taas-singil ay katumbas ng humigit-kumulang P129 na dagdag sa buwanang bayarin ng mga kabahayan na kumokonsumo ng 200 kWh.
Ayon sa Meralco, ang pagtaas ng singil ay dulot ng P0.2880 kada kWh na pagtaas sa transmission charge para sa mga residential customer. Sanhi ito ng 70% na pagtaas sa ancillary service charges na siningil ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula sa Reserve Market.
Sinabi ng power distributor na halos kalahati ng kabuuang transmission charge ngayong billing month ay nagmula sa mga gastos sa Reserve Market.
Samantala, tumaas din ang generation charge ng P0.2209 kada kWh, na umabot sa P7.8607 kada kWh.
Ayon sa Meralco, ang mga fixed charge mula sa ikalawang extension ng Power Purchase Agreement (PPA) sa First Gas-Sta. Rita ay nagdagdag ng humigit-kumulang P0.38 kada kWh sa generation charge ngayong buwan.
Nabawasan naman ito ng P1.0952 kada kWh na pagbaba ng singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil bumuti ang kondisyon ng suplay ng kuryente sa Luzon grid.
Kasama rin sa generation charge ngayong buwan ang P0.2817 kada kWh na contract price adjustment mula sa mga kumpanyang ACEN Corporation, Panay Energy Development Corp., South Premiere Power Corp. (SPPC), at Sual Power Inc. (SPI) na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
“This is equivalent to about P789 million in generation costs for this billing month, the impact of which was more than offset by the completion of the recovery of the previous contract price adjustment of SPPC and SPI, totaling P858 million or around P0.30 per kWh,” saad nito.
Samantala, sinabi rin ng Meralco na nagkaroon ng net increase na P0.1338 kada kWh ang ibang singil kabilang ang mga buwis.
“This month’s rate also reflected the implementation of the new uniform national lifeline subsidy rate of P0.01 per kWh in accordance with a recent ERC directive,” ayon sa Meralco. — Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News

