Tila hindi apektado si Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0 Kapamilya Big Winner Lella Ford sa ilang tumatawag sa kaniya na “nepo baby,” bilang anak ni Karla Estrada at kapatid ni Daniel Padilla.
“Totoo naman po. I mean, where is the lie? It’s true and wala naman pong masama doon,” sabi ni Lella sa guesting nila ng inang si Karla sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
Gayunman, sinabi ni Lella na magiging negatibo lamang ang "nepo baby" kung nakaasa lamang ang isang tao sa kaniyang koneksiyon sa pamilya nang walang ginagawang pagsisikap.
“Nagiging masama lang siya if you take advantage of it, if palamunin ka lang at wala kang ginagawa. But ako po, I’m here because I’m making a name for myself. Pinaghihirapan ko lahat ng mayroon ako now,” sabi niya.
Bukod dito, sinabi ni Lella na bata pa lamang, nasanay na siyang nakaririnig ng mga kontrobersiya at puna.
“Bata pa lang po ako, ang dami ko na pong naririnig na mga ganiyan,” ani Lella. “Growing up, ang dami ko na pong naririnig na controversial things about my mom, about my brother. Sa akin po, mas mabigat po ‘yon kapag tungkol sa pamilya po ‘yon.”
Sa kabila nito, pinipili ni Lella na pagtuunan ang mga makabuluhang puna at balewalain ang mga komentong magpapabagsak lamang sa kaniya.
“Mas gusto ko pong bigyang pansin ang kailangang bigyang pansin. Kapag alam ko na gusto lang talagang manira or wala naman pong meaning ‘yung sinasabi nila, deadma,” sabi niya.
Samantala, hindi naman itinanggi ni Karla ang ilang komento na gumastos sila ni Daniel para suportahan si Lella sa Big Night.
“Effort naman ng buong pamilya, ng close friends. Normal lang naman sa pamilya na suportahan ang kamag-anak na sumasali sa mga ganiyan,” sabi ni Karla.
Nagtapos ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0" noong Pebrero 28.
Kasama ni Lella na Big Winner ang Sparkle star at Kapuso na si Caprice Cayetano. -- Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
