Inaayos na ng gobyerno ng Pilipinas ang mga charter flight para maiuwi pa ang mga Pilipino mula sa Middle East sa harap ng nagaganap na kaguluhan doon bunga ng pag-atake ng magkasanib na puwersa ng Amerika at Israel laban sa Iran.

''We have made many arrangements. We are arranging charter flights kasi medyo lumuwag na ang sitwasyon,” sabi ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. nitong Miyerkoles (oras sa Maynila) sa isang pulong balitaan sa New York City.

“‘Yung lumipad na Emirates coming out of Dubai, nakatatlong flight na yata tayo. Dubai-Manila ‘yun, mga Dubai-Manila. So, that's direct and ‘yun, naisakay natin ‘yung mga ibang Pilipino,'' dagdag pa niya.

Nagpunta sa Amerika si Marcos para sa isang working visit.

Ilang grupo na rin ng mga OFW mula sa Middle East ang nakauwi nitong nakalipas na mga araw.

Sinabi ni Marcos na dapat na matiyak ng gobyerno ng Pilipinas na ligtas na ang paggamit ng mga charter flight para mapauwi ang mga Pilipino.

''And there are two flights that we are being – that we are planning. One is out of Riyadh para sa mga nasa Saudi, sa Kuwait, and Bahrain (for those in Saudi...) . ‘Yung isa naman out of Fujairah in the UAE to transport ‘yung mga Dubai OFWs,” sabi pa ni Marcos.

Ayon kay Marcos, mayroon ding land border crossing mula sa United Arab Emirates at mula sa Israel, na maaaring gamitin sa paghahatid ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Idinagdag pa ni Marcos na pinag-aaralan din ng gobyerno na magdala ng mga tauhan mula sa Department of National Defense at ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa mga flight na ito.

Sinabi rin niya na lilipad patungong Dubai si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac para tingnan ang sitwasyon doon.

Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi maaaring basta magpadala ang gobyerno ng mga air asset sa rehiyon dahil isinara ang airspace doon bunga ng mga pagpapakawala ng missiles at drones.

Matatandaang binatikos ni Vice President Sara Duterte ang gobyerno dahil hindi kaagad nakapagpadala ng eroplano sa Middle East upang umuwi ng mga OFW sa gitna ng patuloy na kaguluhan doon. – Jamil Santos/FRj GMA Integrated News