Binigyang-pugay ang mga frontliner tulad ng health workers, mga pulis at sundalo sa pamamagitan ng ilang aktibidad at munting regalo dahil sa kanilang pagtatrabaho sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing ang mga doktor, nurse at iba pang health professionals ang mga bayaning sinasandalan ng mga tao ngayong hindi nakikita ang kalaban.
"'Yun pong possible na ma-acquire, at least somehow nakatulong po ako sa ibang tao," sabi ng isang babaeng nurse.
Hindi itinatanggi ng ilang health worker na kahit sila mismo ay nakararamdam din ng pangamba lalo pa't kulang ang kanilang gamit bilang proteksyon laban sa virus.
Pero sa kabila nito, kailangan umano nilang gampanan ang kanilang tungkulin.
"Kung matatakot lang din kami, sino pa 'yung tutulong?," sabi ng isang lalaking nurse.
Bukod dito, nababawasan din ang hanay ng mga nurse mayroon sa kanilang kailangan ding i-quarantine kapag nalantad sa isang COVID-19 patient.
"Andami nang nauubos na kailangang i-quarantine," ayon sa isang lalaking medical professional.
Gayunman, ipinagpapatuloy nila ang serbisyo sa ngalan ng panata sa kanilang propesyon na tulungan ang mga maysakit.
Kaya naman sa Bangued, Abra, sinalubong ang frontliners ng isang masigabong palakpakan.
Itinampok din sa isang mall ang isang makulay na pagsaludo sa kanila.
Samantalang sa ilang ospital, hinandugan ang mga doktor, nurses at iba pang health professionals ng mga pagkain.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
